Liwanag ng Buhay: Simbahan at Pamilya

Posted on November 10, 2007, 11:04 AM under Religious Affairs

Ang isang masayang pamilya ay napakainam tingnan. Si Tatay, si Nanay, ang mga anak… puno ng pagmamahalan, pag-uunawaan at malasakit sa isa’t isa. Sa araw ng Linggo ay makikitang sama-samang nagsisimba upang magpasalamat sa Diyos para sa mga biyayang natatanggap. Taglay dito ang pagsamo upang gabayan sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Tunay na masasalamin na si Kristo ang sentro ng kanilang buhay.

Ang isang maligayang pamilya ay kanlungan ng kaligtasan at kapanatagan…ang liwanag ng buhay. Alam ng isang bata na kung siya ay may sakit, aalagaan siya ni Tatay o ni Nanay – babantayan hanggang sa kanyang pagtulog upang paggising niya sa umaga, sila ang makikita niya na nag-aaruga at nagmamahal. Ang kanyang mga magulang ang handang yumakap at magpala sa kanya. Sa mga panahon na ang anak ay may suliranin, nariyan sila upang tumulong at magpayo sa kanya, mga payong magiging sandigan niya upang magkaroon ng isang magandang bukas.

Ngunit hindi lahat ng pamilya ay makikitang maligaya at payapang namumuhay. May mga araw na makikitang nasa lansangan ang isang bata, kasama ang mga kabarkada, lasing at lulong sa bawal na gamot. Mayroon din namang mga anak na lagi na ay kasama sa gulo na humahantong sa pagkasadlak sa kulungan. May maagang nag-aasawa dahil nais iwanan ang suliranin ng pamilya. Bakit, tanong ng marami. Nasaan ang kanilang magulang? Si Nanay – maghapon at magdamag na nasa sugalan. Si Tatay – amoy-tsiko, pahapay-hapay sa kalsada. Natalo kasi siya sa maghapong pagsigaw ng Lo Dyes. Siya ang Kristong kilala ng marami… ang Kristo ng sabungan. Anong payo kaya ang maaari nilang ibigay sa kanilang mga anak? Anong liwanag ang pwedeng maibigay ng mga taong tumatahak sa madilim na landas?

Ang pamilya ang pinakamatandang institusyon sa lupa. Ito ay may mahalagang papel na ginagampanan sa lipunan ng tao sapagka’t ang matatag na pamilya ay sandigan ng matatag na lipunan. Magiging suliranin ng ating lipunan ang mga anak na hindi napalaki ng maayos ng kanilang magulang.

Ang isang maligayang pamilya ay nababalot ng pag-ibig. Pag-ibig na pinanggagalingan ng ating lakas, lakas sa pagharap sa hamon ng buhay, lakas sa lahat ng uri ng pagsubok, at ang pinakamahalaga: lakas na nagpapatibay sa ating pananampalataya sa Diyos. Dito gumagalaw ang simbahan sa buhay ng isang pamilya.

Ang Iglesya ang nagpakilala kay Kristo. Siya ang nagpapahayag ng Kanyang salita upang maging gabay natin sa araw-araw. Kung ang isang pamilya ay kumikilala kay Kristo, sumasampalataya at nabubuhay sa buhay ni Kristo, paano pa sila maliligaw? Taglay na nila ang tunay na liwanag. Si Kristo…ang tunay na Liwanag ng Buhay.

Ni Susan Mendoza

Source: Baras Balita, Volume 2 Issue 2

Leave a Reply. All comments are moderated. No text language allowed. All Caps are not allowed.