Mayor, SB pinuri ng simbahan

Posted on September 27, 2007 by Herbert Joseph Carigma under Government

PINURI ng simbahang Katoliko sina Mayor Wilfredo Robles at mga miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) sa pagpapatigil nito ng operasyon ng quarry sa Sitio Painaan sa Barangay Pinugay.

“We commend your opposition to the operation of the Quarry Rock Group Inc./Hang Heng Mines,” ang nakasaad sa tatlong pahinang sulat ni Obispo Gabriel Reyes ng Diocese of Antipolo at nilagdaan ng ilang pari sa diyosesis.

Sinabi pa ng simbahan na bagama’t sang-ayon sila sa pag-unlad, tutol sila sa anumang gawain na makasisira sa kalikasan. Idinagdag pa nila na dapat maging leksiyon ang nangyaring landslide sa Quezon kung saan libong tao ang namatay. Sinabi ng simbahan: “Hang Heng may bring about benefits to the community but these cannot outweigh the emotional stress arising from loss of livelihood and siruption of education, flodding, related deaths and sickness, loss of agricultural crops, homes and property.”

Makikipagtulungan umano ang simbahan sa pamahalaang bayan ng Baras laban sa mga indibidwal o grupo na magtatangkang sumira sa kalikasan.

Ang sulat na may petsang Enero 5 ay binasa ni Fr. Giovanni Yago ng Saint Joseph Parish sa pagdiriwang ng pistang bayan noong Enero 30. Ang misa ay dinaluhan nina Robles at ilang miyembro ng SB.

Hindi inaasahan
Ikinagulat naman ni Robles ang sulat na binasa Yago. “Hindi ko inaasahan na mayroong ganoong papuri ang simbahan,” sabi ni Robles.

“Ang papuring ito ng simbahan ay nagbibigay sa amin ng kalakasan upang pagbutihan pa ang aming trabaho bilang mga opisyal ng bayan,” sabi ni Konsehal Nicanor Diñozo.

“Para sa ikabubuti ng mga mamamayan ay hindi lamang simbahan, kundi lahat ng sektor, ay kailangang magtulungan,” reaksiyon ni Konsehal Renato Llagas,  chairman ng committee on environment and housing ng SB. Idinagdag niya na isinasagawa ng QRGI ang “mitigating measures” bago ang tag-ulan.

“We’re flattered,” ang sabi naman ni Konsehal Ramon Ma-tignas Jr.

Kulang ang requirements
Noong Set. 27, 2004 ay ipinasa ng SB ang Resolution No. 137 o A Resolution Holding in Abeyance All Types of Operation of Hang Heng Mines / Quarry Rock Group, Inc. (QRGI) at Sitio Painaan, Barangay Pinugay, Except Mitigating Measures, Until All the Requirements for the Issuance of a Special Use Permit are Complied With.

Nakasaad pa sa kapasiyahan na walang Special Use Permit ang Hang Heng na makukuha mula sa lokal na pamahalaan. Bago makakuha nito, kailangang magsu-mite ang Hang Heng ng Certification of Land Conversion, Accep-tability, Barangay Reso-lution, SB Resolution, site plan, Transfer Certificate of Title, Locational Clearance at pagpayag ng mga may-ari ng lupa.

Sa sulat ng QRGI kay Robles at sa SB noong Agosto 23, 2004, noong magsumite sila noong 1995 ng aplikasyon para sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) sa Department of Environment and Natural Resources, hindi kasama sa mga requirement ang pagpayag ng SB at Sangguniang Barangay. Ipinatupad lamang diumano ang mga requirement noong 1999. Inaprubahan ng Mines and Geosciences Bureau ang MPSA ng QRGI noong 1998.

Idinagdag pa ng QRGI na batay sa sertipikasyon  na ini-labas ng Baras Municipal   Development Office noong 1997, ang lupa kung saan may quarrying, ay nasa kategoryang “Agro-Industrial.” Mayroong Environmental Compliance Certificate ang QRGI.
Itinigil na ng Hang Heng, ang investor sa QRGI, ang operasyon nito matapos lumabas ang reklamo.

Sa pagdinig noong Hunyo 21, 2004, sinabi ni Renato Villanueva ng QRGI na igneous rock ang kinukuha nila sa 231, 192 sq. m. na bundok. Ayon sa kaniya, ito at ginagamit sa paggawa ng kalsada, ospital at simbahan.

Reklamo ng IFAEC
Nauna ng inireklamo ng Inter-Franciscan Agro-Ecological Center (IFAEC), isang kongregasyong may opisina sa ibaba ng bundok kung saan may operasyon ang Hang Heng. Ayon kay Fr. Efren Jimenez, OFM  at administrador ng IFAEC, walang nangyari konsultasyon sa mga residente ng Painaan bago nagkaroon ng quarrying. Dalawang resolusyon diumano ng Barangay Pinugay ang nagpahayag ng oposisyon sa MPSA. Bukod dito, sinabi ni Jimenez na ang bundok ay bahagi ng National Park Wildlife Santuary of Game Reserve. Idinagdag pa ni Jimenez na ng magsimulang magputol ng puno sa bundok, nagliparan ang mga ibon sa kanilang lugar. Nakakita rin aniya siya ng mga bayawak, sawa, labuyo at musang.

Source: Baras Balita, Volume 2 Issue 1

Leave a Comment








RSS feed for comments on this post