Maagang Pasko ng mga batang may ‘cleft lip’

Posted on November 20, 2007, 12:05 PM under Government

MAAGANG NAULILA NA sa ina si Jake, 4 na taong gulang ng Brgy. Santiago. Ayon sa kanyang lola na si Nora Constantino, nang makitang may cleft lip ang anak ay iniwan ito ng kanyang ina. Tatlong buwan pa lamang ang bata ay kung saan-saan na ito inilapit ni Nora upang makahingi sa tulong.

Lahat naman ng naging punongbayan sa Baras ay nilapitan ni Mercedes Halimao, 45 taong gulang ng Sitio Galaxy, Brgy. Pinugay upang maipaopera lamang ang kanyang anak, si Ramon, 18 taong gulang. “Bata pa lang siya, inisip ko na ipaopera siya,” sabi ni Mercedes na isang magsasaka.

Ngunit lahat ng kanilang paghihirap ay natapos noong Nov. 19 dahil sa libreng operasyon na ipinagkaloob ng mga doctor ng Rizal Provincial Hospital, sa tulong ng pamahalaang bayan.

Animo’y naging Santa Claus sina Dr. Aser Ram, Dr. Josephine Dimabuyo at iba pang doktor ng RPH sapagkat nagkaroon ng maagang regalo sa Pasko sina Jake, Ramon, Diana Mae Robles, pitong buwan ng Brgy. San Salvador, Reymar Hernandez, 15 taong gulang ng Brgy. Santiago at Jayanne Javier, edad isang taon at apat na buwan ng Brgy. Rizal.

Nagsimula ang ideyang magkaroon ng libreng operasyon sa mga batang may cleft lip nang minsang maging panauhing tagapagsalita si Ram sa isang seminar ng mga Barangay Health Worker noong Setyembre 2004. Sa naturang okasyon ay sinabi ni Ram na kung mayroong kakilalang may cleft lip ang mga BHW ay dalhin lamang ito sa kanya at ooperahan ito ng libre.

Ang cleft lip ay isang uri “congenital anomaly,” ayon kay Ramon Matignas, Municipal Sports Coordinator at isa ring doktor. Ayon pa sa National Institutes of Health ng Amerika, ang abnormalidad na ito ay nagaganap bago ipanganak ang isang sanggol at nakaaapekto sa itaas ng bahagi ng labi at “hard” at “soft palate” ng bibig.
Nagkakahalaga ng P 50, 000 ang isang operasyon nito, ayon kay Dr. Matignas.

Ayon kay Monina Teston, tagapangulo ng mga BHW, nagsimula silang maghanap ng mga pasyente Oktubre noong isang taon. At sa tulong ni Mayor Wilfredo Robles, nagkaroon ng katuparan ang matagal nng kahilingan ng mga bata at kanilang mga magulang.

Umaga pa lamang ay ipinasok na sa operating ward ang mga pasyente. Tumagal ng isa hanggang dalawang oras ang bawat operasyon.

Bukod kay Ram, tumulong sa operasyon ang mga doktor ng University of Sto. Tomas Hospital. Sila ay sina Rodel Velasquez, Raymond Guerrero, Justin Jabson, Henry Claravall, Michael Matignas at asawa nitong si Anna Lynn. Si Matignas ay kapatid ni Konsehal Ramon Matignas Jr.

Ngayon ay hindi na tutuksuhin ang mga bata at malaki ang pasasalamat ng
mga magulang sa libreng operasyon. “Tinutukso siya noong bata pa siya. Ngayon ay hindi na,” sabi Mina, ina ni Reymar.

“Nagpapasalamat ako at ako’y nakalapit kay Mayor,” sabi naman ni Nora.

Ito ay nangangahugan lamang na hindi na kailangan pang sumapit ang Pasko upang mabigyang regalo at kasiyahan ang mga kababayang higit na nangangailangan.

Leave a Reply. All comments are moderated. No text language allowed. All Caps are not allowed.