26 magsasaka nagtapos sa farmer field school
Posted on October 25, 2007 by Herbert Joseph Carigma under Government
DALAWAMPU’T anim na magsasaka ang nagtapos sa Farmer Field School for Vegetables (FFSV) na isinagawa ng Kasaganaan ng Sakahan at Kalikasan at National Integrated Pest Management Program. Ang kanilang graduation ay isinagawa sa Sitio Wawa, Brgy. Mabini noong Marso 3.
Sa FFSV ay tinuruan ang mga magsasaka ng tamang paghahanda ng lupa, pag-aararo, paghahanda ng punlaan, pagpili ng tamang binhi at ang tamang distansya ng mga halaman.
Binigyan din ang mga magsasaka ng kaalaman sa “Integrated Pest Management” kung saan kinikilala ang mga kulisap na nakatutulong at nakasisira sa mga pananim. Sa Agro-Eco-system Analysis naman, sinusukat ng mga mag-sasaka ang sukat ng kanilang halaman, bilang ng dahon, at kung ito ay may sakit.
Ayon kay Mel Llagas, agricultural technologist sa Baras, maganda ang naging resulta ng FFSV sa mga magsasaka.“Mas masarap daw yung lasa ng gulay,” sabi ni Llagas.
Ang mga tauhan naman ng Office of the Provincial Agriculturist ang naging guro sa FFSV. Nagbigay ang Department of Agriculture Regional Field Unit-Region IV ng mga buto tulad ng sitaw, talong, okra, ampalaya at kamatis.
Ito ay bahagi pa rin ng programang organic farming ng pamahalaang bayan.